Nagkaroon ng paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa partikular ng agricultural commodities sa unang bahagi ng Hunyo batay yan sa pinakahuling monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, kabilang sa tumaas ang manok, galunggong, petchay at luya.
Nasa higit piso ang itinaas sa presyo ng manok na nasa ₱195.76 ang kada kilo sa unang bahagi ng Hunyo mula sa ₱194.35 kada kilo noong Mayo.
Tumaas rin sa ₱195.52 ang retail price ng kada kilo ng galunggong, mula sa ₱189.06 noong Mayo.
Nagkaroon din ng pagtaas na hanggang ₱14.00 ang native petchay, mula sa ₱102.98 kada kilo noong Mayo ay umakyat na sa ₱116.87 sa unang bahagi ng Hunyo.
Maging ang luya ay patuloy ang pagtaas na naitala sa ₱185.58 kada kilo, mula sa average retail price na ₱162.60 kada kilo noong Mayo.
Samantala, bumaba naman ang average retail price sa kada kilo ng mango carabo na may tapyas halos ₱10 gayundin ang asukal partikular ang brown sugar.
Una nang tiniyak ng DA na nakatutok ito sa mga hakbang para manatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa