Magle-level up na ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pamamayagpag ng iligal na POGO sa bansa.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong umaga, sinabi ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na kanila na ring isasama sa imbestigasyon ang Regional Director ng Police Regional Office 3 o Central Luzon.
Kasunod ito ng sunud-sunod na pagkakasdiskubre ng mga nagsulputang iligal na POGO o “scam-farm” sa kanilang nasasakipan partikular na sa Bamban, Tarlac at Porac sa Pampanga.
Ayon sa PNP Chief, kanilang aalamin kung paano nakalusot ang mga naturang POGO sa kanilang nasasakupan.
Bago ito ay sinibak muna sa puwesto ang halos lahat ng mga Pulis na naka-assign sa Bamban, Tarlac habang sinibak na rin sa puwesto ang Pampanga Police Provincial Director dahil sa command responsibility.
Sinabi naman ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, PMGen. Leo Francisco na posibleng may koneksyon ang mga sinalakay na POGO hub sa Tarlac at Pampanga.
Pero ayon kay Marbil, bagaman ayaw niyang sabihing pinoprotektahan ng mga Pulis ang mga ilgal na POGO, nais niyang alamin kung bakit hindi agad nai-uulat sa Pulisya ang mga naitatalang krimen dito kung saan, may mga bangkay pang natatagpuan. | ulat ni Jaymark Dagala