Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa senado na aksyunan na ang panukalang Sexual orientation, gender identity and expression, sexual characteristics (SOGIESC) Equality bill.
Ayon kay Hontiveros, bukas naman siya sa mga amyenda sa naturang panukala.
Kaya naman dapat na aniya itong ipresenta nang muli sa plenaryo para mapagdebatehan at maamyendahan kung sakali.
Una nang naaprubahan at naipresenta ni Hontiveros sa plenaryo ng senado ang SOGIESC equality bill noong December 2022 pero ibinalik rin sa committee on rules.
Paliwanag ni dating Senate Majority Leader at noo’y chairman ng committee of rules na si Senador Joel Villanueva, ito ay dahil nagpahayag ang ilang religious groups na nais sana nilang makibahagi sa talakayan sa panukala pero hindi sila naimbitahan sa mga ginawang committee hearings.
Ayon kay Hontiveros, nakausap na niya si kasalukuyang senate majority leader Francis Tolentino at umaasa sitang rerebyuhin ng bagong senate leadership ang estado ng panukala.
Ito lalo na aniya’t nakakuha ng pirma mula sa 18 senators ang committee report na inilabas nila tungkol sa SOGIESC equality bill. | ulat ni Nimfa Asuncion