Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Pangasinan Provincial Field Unit ang ₱25 milyong halaga ng iligal na LPG at refilling equipment sa operasyon sa Brgy. Nilombot, Mapandan, Pangasinan kagabi (June 18).
Ito’y sa pagpapatupad ng search warrant laban sa Centurions LPG Refilling Station, na inireklamo ng LPG Maker’s Association Inc. Party-List (LPGMA) ng iligal na pagbebenta at distribusyon ng REGASCO LPG cylinder tanks.
Sa ulat ni CIDG Director Police MGen. Leo Francisco kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, tatlong suspek ang naaresto sa operasyon kabilang ang cashier na si alyas Ruby, at dalawang tauhan na sina alyas Jerryme at Rolan; habang at-large ang pang-apat na suspek na umano’y may-ari ng refilling station na si alyas Angelica.
Narekober sa mga suspek ang dalawang trak, samu’t saring tangke ng LPG at refilling equipment, 47 generic na selyo ng mga tangke, mga dokumento at ₱32,000 cash.
Ang mga suspek ay nahaharap sa paglabag sa Section 155 (Trademark Infringement) at Section 168 (Unfair Competition) ng RA No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines; gayundin sa Section 40 (c) ng RA No. 11592 o LPG Industry Regulation Act. | ulat ni Leo Sarne
📷: CIDG