Patuloy na umaapila ang Armed Forces of the Philippines sa mga nalalabing miyembro ng Communst Terrorist Group na sumuko na at bumalik sa sibilisadong lipunan.
Ito ang inihahayag ni AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla kasunod ng sumiklab na engkuwentro sa pagitan ng Militar at ng CPP-NPA sa Pantabangan, Nueva Ecija noong isang linggo na ikinasawi ng 10 rebelde.
Panawagan ni Padilla sa mga rebelde, tahakin na ang daan patungo sa kapayapaan at kaunlaran gayundin ay magbalik-loob sa sibilisadong lipunan.
Giit pa niya, may mga inihandang programa ang Pamahalaan para sa mga nagbabalik-loob na rebelde upang mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan kasama ang kanilang pamilya.
Kung makikiisa ang mga magbabalik-loob na rebelde sa Pamahalaan, makatutulong ito upang matamo ang adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na patatagin ang bansa.
Sa pamamagitan kasi nito aniya ay mapapalakas ng bansa ang depensa at mapapangalagaan ang soberanya nito. | ulat ni Jaymark Dagala