Ininspeksyon ngayong araw ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang ongoing na konstruksyon sa isa sa mga istasyon ng North South Commuter Railway Project o NSCR.
Partikular dito ang Balagtas Station sa Bulacan na bahagi ng Tutuban-Malolos segment at isa sa mga unang magbubukas na istasyon sa NSCR.
As of July 2024, nasa 93.64% na ang progress rate ng naturang istasyon.
State-of-the-art ang ilan sa mga pasilidad sa NSCR Balagtas Station kabilang ang elevated na mga track, elevators, escalators at mayroon ding dedicated PWD floor tiles at comfort room.
Isa pa sa tampok sa Balagtas Station ang tensile roof membrane structure, japan roofing technology na mas magaan, earthquake-resistant, light transmitting na tipid sa kuryente at environment-friendly.
Bukod sa Balagtas Station, binista rin ni Secretary Bautista ang 14 ektarya ng Malanday Depot sa Valenzuela na nasa 71.18% tapos as of May 2024.
Dito, pinasilip ang modelo ng tren gagamitin para sa North South Commuter Railway sa Malanday Depot sa Valenzuela
Mas malapad ang sukat nito kumpara sa regular na tren, may LCD screens at dedicated seat para sa priority passengers gaya ng mga senior, buntis at person with disability
Walo ang bagon sa kada train set na tatakbo sa NSCR na may 384 seating capacity at 1,904 standing passengers.
May 35 na istasyon ang kabuuan ng NSCR system na may 147 kilometrong riles ng tren at mag-uugnay sa Kalakhang Maynila sa Bulacan, Pampanga, at Laguna. | ulat ni Merry Ann Bastasa