Pinaliwanag ng Philippine National Police na ang kinolektang ₱50 para sa rice subsidy ng mga pulis noong buwan ng Mayo at Hunyo ay para mabawi ang sobrang naibigay na rice subsidy noong Enero at Pebrero.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, na ang aprubadong rice subsidy ng mga pulis sa Pambansang budget para Fiscal Year 2024 ay nasa 1.69 bilyong piso.
Katumbas ito ng 20 kilo ng bigas na nagkakahalaga ng 650 piso kada buwan para sa bawat pulis.
Ayon kay Fajardo, mas mababa ito sa 700 piso kada buwan na inilaan para sa buwanang rice subsidy noong nagdaang taong 2023 at sa mga nakalipas na taon.
Dahil aniya sa sobra ng P50 ang P700 rice subsidy na naibigay noong Enero at Pebrero sa aprubadong P650, kailangang kolektahin ng PNP ang kalabisan sa mga nakatanggap para i-“reconcile” ang rice subsidy.
Humingi ng paumanhin at pang-unawa ang PNP sa kanilang mga tauhan kasabay ng pagsabi na inaasahan ang kanilang kooperasyon para sa pagpapatupad ng rice subsidy alinsunod sa “fiscal directives”. | ulat ni Leo Sarne