Hinikayat ni Senador Joel Villanueva ang mga economic zone sa bansa na kumilos para alisin na rin sa kanilang mga nasasakupan ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Binigyang diin ni Villanueva na hindi exempted ang mga ecozone sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tungkol sa pagbabawal ng operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Paalala ng senador, sakop pa rin ang mga ecozone ng direktiba ni Pangulong Marcos kahit mayroon silang sariling charter bilang naririto rin sila sa Pilipinas.
Kaugnay nito, hinimok rin ng mambabatas ang mga ecozone na magbigay sa kanila ng mga update tungkol sa mga ginagawa nilang hakbang tungkol sa pagpapatigil ng POGO operations.
Ikinatuwa rin ni Villanueva ang sinabi ng PAGCOR na magbibigay sila ng regular na update sa mga ginagawa nilang hakbang tungkol sa POGO ban dahil matitiyak nitong magiging transparent ang kanilang magiging aksyon. | ulat ni Nimfa Asuncion