Kinumpirma ni Atty. Ferdinand Topacio, na tumatayong legal counsel ni Cassandra Ong, isa sa incorporator ng sinalakay na scam hub sa Porac, Pampanga na ililipat na ito ngayong araw sa kustodiya ng Kamara.
Ayon sa abogado, tumawag sa isa pang legal counsel ni Ong na si Atty. Joey Lumanggaya si NBI Dir. Jaime Santiago para ipabatid na itturnover na ngayon ang kanyang kliyente sa House Sergeant at Arms sa Batasan Pambansa mula sa tanggapan ng NBI sa Quezon City kung saan tatlong araw na itong nakadetine.
Una nang naglabas ng arrest warrant ang House of Representatives laban kay Cassandra Ong.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Topacio na pinayuhan nito ang kanyang kliyente na iinvoke ang kanyang karapatang hindi tumestigo laban sa kanyang sarili o right against self-incrimination sa pagharap nito sa mga pagdinig ng senado at kamara.
Ayon kay Topacio, umaasa itong gagalangin ng mga mambabatas ang karapatang ito ni Ong.
Samantala, desidido naman ang kampo ni Ong na magsampa ng reklamo dahil sa umano’y pagdetine kay Ong kahit wala itong warrant of arrest at wala pang kasong kinahaharap. | ulat ni Merry Ann Bastasa