Kabuuang 253,000 na residente ng Eastern Visayas ang nakabenepisyo sa pinakamalaking Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Nasa 56 na ahensya ng pamahalaang nasyunal ang nakibahagi sa ika 21 BPSF na may dalang P1.26 billion na halaga ng serbisyo at tulong pinansyal.
Ang P807 million dito ay cash assistance.
Ikinalugod ni Speaker Martin Romualdez ang makasaysayang pagdaraos ng region wide caravan na nataon pa ika-isang taon ng programa.
Matatandaan na August 26 nang nakaraang taon nang ilunsad ang dry run ng BPSF sa Biliran.
Ang main BPSF event ay ginaganap sa Tacloban Leyte at sabayan ring umarangkada ang mini BPSF sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Southern Leyte, at Biliran.
Ipinagmalaki rin ni Speaker Romualdez ang programa ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil napakarami nang Pilipino ang naabot ng serbisyo ng gobyerno na siya ring diwa ng Bagong Pilipinas campaign ng administrasyon.
“So this really is a BPSF for Eastern Visayas. Para na rin itong Thanksgiving celebrations natin kasi naka-isang taon tayong naghahatid ng direktang serbisyo at ayuda para sa ating mga kababayan sa malalayong lugar. Tunay na pinagpala ng Diyos ang ating BPSF dahil sa tagumpay nito,” sabi ni Speaker Romualdez.
Umaasa naman si Romualdez na mapuntahan ng BPSF ang lahat ng 82 na lalawigan ng Pilipinas, para lahat ay makaranas kung paano inilapit ng administrasyon ni PBBM ang serbisyo publiko sa lahat ng tao.| ulat ni Kathleen Forbes