Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang iba pang kasong possibleng ihain laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kasunod ng isinagawa nilang pagsisilbi ng warrant sa kanilang compound sa Davao City.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, ito’y matapos na maligtas ng PNP ang isang babae at isang lalaki na umano’y biktima ng human trafficking sa loob ng compound.
Inatasan ng PNP Chief si Davao Police Regional Office (PRO) Director Police Brig. General Nicolas Torre na alamin kung may iba pang kaparehong kaso sa loob ng compound.
Nanawagan din ang PNP Chief sa iba pang mga possibleng biktima na nasa loob ng compound na labag sa kanilang loob, na samantalahin ang presensya ng mga pulis para makapagsumbong.
Nauna nang sinabi ng PNP na hindi nila lilisanin ang lugar hanggat hindi nila natatapos ang paghahanap sa mga akusado sa qualified human trafficking at Child sexual abuse, na pinaniniwalaang nagtatago sa compound. | ulat ni Leo Sarne