Malapit nang matapos ang konstruksyon ng depot ng North-South Commuter Railway (NSCR) sa Clark, Pampanga.
Ngayong araw, ininspeksyon nina DOTr Secretary Jaime Bautista, Undersecretary for Railways Jeremy S. Regino, Undersecretary for Philippine Railways Institute Anneli Lontoc at PNR Chair Ted Macapagal ang usad ng proyekto na nasa 82% na ang overall progress.
May lawak itong 33 ektarya na may isang stabling yard, integral bridge, at 48 depot buildings at facilities, na mahalaga para sa operasyon ng NSCR alignment.
Kabilang sa makikita rito ang Integrated Operation Control Center (IOCC) na magsisilbing utak ng NSCR at pati na ang Workshop Building na ilalaan para sa heavy maintenance ng mga tren nito.
Ayon kay Transpo Sec. Jaime Bautista, dahil suportado ng JICA ang proyekto, makatitiyak na pasok sa global standards ang lahat ng pasilidad sa Clark NSCR depot.
Malaki rin ang magiging papel ng depot na ito para sa pagarangkada ng partial operations ng NSCR sa disyembre ng 2027. | ulat ni Merry Ann Bastasa