Nakaalerto na ang law enforcement agencies ng mga member-countries ng ASEAN para mahuli si Alice Guo.
Sinabi ito ni Senador Sherwin Gatchalian matapos niyang makausap ang mga ambassador ng ASEAN countries ngayong araw sa naging programa sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani sa Taguig City.
Dahil dito, naniniwala si Gatchalian na mahihirapan nang gumalaw si Guo lalo na dito sa ASEAN.
Samantala, nanindigan ang senador na ‘end of the road’ na ito para kina Guo, lalo na kina Shiela Guo at Cassandra Ong.
Aniya, may mga dokumento na magkokonekta sa kanila sa mga na-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac kaya naman mas mainam na sabihin na nila ang buong katotohanan.
Kabilang na kung paano nakapasok ng bansa ang pamilya nina Alice Guo at paano nila nakilala ang mga sindikato sa likod ng POGO operations.
Pagdating naman sa usapin na maaaring pumasok sa witness protection program (WPP) sina Shiela Guo at Cassandra ong, pinaalala ni Gatchalian na ang mga least guilty sa isang kaso ang maaaring makapasok sa programa.| ulat ni Nimfa Asuncion