Nakapamahagi na ng 3,535 housing units ang National Housing Authority (NHA) sa iba’t ibang katutubong pangkat sa bansa.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, naisakatuparan ito sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP).
Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy ang NHA sa pagkakaloob ng pabahay at pangunahing serbisyo sa mga Pilipino, kabilang ang mga pangkat-etniko sa malalayong lugar.
Kamakailan lamang, iginawad ng NHA ang mga bagong pabahay sa mga katutubong pamilya sa Davao del Norte, Sarangani, Misamis Oriental, at Zamboanga del Sur na nagmula sa mga pangkat ng Mansaka, Mandaya, Kagan, Dibabawon, Manobo, B’laan, Subanen, Kaolo, Bagobo, Hiligaynon, Higaonon, Mangguangan, Tagakaolo, at Ata-Manobo.
Naging matagumpay aniya ang implementasyon ng NHA HAPIP dahil sa pakikipagtulungan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at local government units ng bawat katutubong pangkat.
Higit pa rito, kasama rin sa pagbuo at pagpapatupad ng nasabing programa ang mga pinuno ng bawat katutubong komunidad upang bigyang-halaga rin ang kultura’t tradisyon ng kanilang mga pangkat.| ulat ni Rey Ferrer