Magiging mas madali umano ang paghahanap kay suspended Bamban Mayor Alice Guo kung magkakaroon ito ng patong sa ulo.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police PIO Chief PCol. Jean Fajardo kung saka-sakaling mag alok ng pabuya para sa impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng kontrobersyal na alkalde.
Gayunman, tiniyak ni Fajardo na puspusan ang ginagawang paghahanap ng pulisya kay Guo, at pinakilos na ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang lahat ng unit ng pulisya.
Inamin naman ni Fajardo na malaking hamon ang paghahanap sa suspendidong alkalde lalo na’t marami itong resources para makaiwas sa batas.
Una nang binalaan ni Sen. Jinggoy Estrada ang PNP na maaaring maapektuhan ang kanilang 2025 budget kung hindi mahahanap at maaaresto si Guo sa loob ng 1 buwan. | ulat ni Leo Sarne