Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy ang partial operations ng Metro Rail Transit (MRT) line 7 sa huling quarter ng taong 2025.
Ito ang inihayag ni Transportation Sec. Jaime Bautista sa kabila ng naunang pahayag ng San Miguel Corporation (SMC) na siyang nangunguna sa konstruksyon nito na posibleng makumpleto ang buong linya sa 2028.
Ayon sa Kalihim, nasa 12 istasyon ang magagamit na ng mga komyuter sa sandaling magsimula na ang partial operations ng MRT 7 mula North Avenue station hanggang Quirino station sa Lagro, Quezon City.
Habang inaasahan namang sa 2026 mabubuksan ang Tala station sa Caloocan habang sa taong 2027 naman ang San Jose Del Monte station sa Bulacan.
Pag-aaralan naman ng DOTr kung posibleng mapalawak pa ang linya ng MRT 7 upang maidugtong naman sa Sta. Maria sa Bulacan malapit sa itinatayong New Manila International Airport. | ulat ni Jaymark Dagala