Nasa loob pa rin ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound sa Davao City si Pastor Apollo Quiboloy na may mga outstanding warrant of arrest sa kasong child abuse and exploitation at human trafficking.
Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director Police Brig. General Nicolas Torre III, sa isang ambush interview sa Camp Crame.
Ayon kay Torre, malaking hamon para sa kanila ang aresto kay Quiboloy dahil sa laki ng pinagtataguan nitong compound ng KOJC na may sukat na 30 ektarya at may 41 istraktura.
Ang dome pa lang aniya ng KOJC ay apat na beses na mas malaki sa Araneta Coliseum.
Base aniya sa nakalap nilang impormasyon, positibong nananatili sa loob ng compound si Quiboloy, at may istratehiya na sila sa paghahain ng warrant laban dito.
Ang malaking haman aniya ay kung paano ipatutupad ang warrant alinsunod sa batas sa paraan na maiiwasan na may masaktan at maging madugo ang operasyon. | ulat ni Leo Sarne