Naghahanap ang Department of Agriculture (DA) ng karagdagang pondo mula sa mga international development partners upang matugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura.
Sa isang talumpati sa Manila Overseas Press Club, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., na kinikilala ng DA ang limitadong resources ng gobyerno upang magsagawa ng mga pangunahing proyekto.
Tulad na lamang ng mga seaport, kalsada at tulay, at irigasyon na kailangan upang gawing moderno ang sektor ng agrikultura, at mapabuti ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang sa mga iminungkahing proyekto ng DA ay ang pagpapaunlad ng farm-to-market roads at mga tulay sa pakikipagtulungan sa French Government, at ang isang proyekto sa ilalim ng Program for Results ng World Bank upang magbigay ng karagdagang pondo para mapabilis ang mga inisyatibo ng DA.
Binigyang-diin din ni Sec. Laurel ang pakikipagtulungan ng DA sa National Irrigation Administration sa pagsusulong ng Philippine Solar-Powered Irrigation Project.
Inaasahan na ang mga proyektong ito ay magpapadali sa kalakalan, mapapalakas ang ani, at mapapabuti ang kabuuang kalagayan ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas. | ulat ni Diane Lear