Siniguro ngayon ni Education Usec. Revsee Escobedo na mayroon pa ring sapat na pondo ang kagawaran para sa pagpapatupad ng Disaster Preparedness and Response Program.
Sa pagharap ng ahensya sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Escobedo na noong 2023 ay nabigyan ng P2 billion na DPRP Fund ang ahensya sa ilalim ng kanilang MOOE para sa minor repairs, clean up drive at pagpapatayo ng temporary learning centers.
Ngayong 2024 naman ay ganitong halaga din ang ibinigay sa Department of Education (DepEd) at may sobra pa.
Kaya naman sa 2025 ay sasapat pa ang DPRP Fund.
Naglabas na rin aniya sila ng guidelines sa kanilang mga regional offices para mapabilis ang utilization ng pondo upang kapag may bagyo ay agad makakuha ng kagamitan para sa kakailanganing repair.
Malaking bagay din aniya na tinaasan ang budget para sa konstruksyon ng temporary learning spaces sa ₱380,000 mula sa dating ₱180,000 dahil sa tumaas na aniya ang halaga ng building materials sa iba’t ibang rehiyon.
“Noong 2023, meron pong budget ang Department of Education ng P2B for the Disaster Preparedness and Response Program Fund. At ito ay MOE para sa mga minor repairs, cleanup drive, and pagtatayo ng mga temporary learning spaces…And noong the following year, meron ulit na P2B na allocated for the Disaster Preparedness and Response Program Fund. At kasalukuyan ay meron pa pong sobra. Kaya for 2025, yung 2024 budget under the DPRP, yung parin yung gagamitin natin.” sabi ni Escobedo. | ulat ni Kathleen Forbes