Siniguro ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi maaapektuhan ang pasweldo ng 7,000 government employees sa probinsya ng Sulu bukod pa sa 27 incumbent na mga opisyal.
Kasunod ito ng ibinabang desisyon ng Korte Suprema na hindi na kasama ang Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa interpelasyon ni Basilan Representative Mujiv Hataman kay House Appropriations Vice-Chair Zia Alonto Adiong, Budget sponsor ng DILG, nausisa nito kung ano na ang hakbang ng pamahalaang nasyunal sa Sulu sa hinaharap.
Tugon ni Adiong, sa ngayon hiniling nila sa DBM na hayaan muna ang Ministry of the Interior and Local Government ng BARMM na ipagpatuloy ang pagbabayad sa sweldo ng mga kawani ng pamahalaan hanggang sa matapos ang transition period ng Sulu.
Ngunit nagpaalala si Hataman, na dating gobernador ng BARMM na maaari sila magkaproblema pagdating sa auditing ng COA.
Pagtiyak naman ni Adiong na maigting ang koordinasyon ng DILG at MILG ng BARMM para matiyak ang kapakanan ng mga residente ng Sulu lalo na at biglaan ang paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema. | ulat ni Kathleen Jean Forbes