Bukas ang Department of Social Welfare and Development sa anumang pagbusisi sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa DSWD Forum, sinabi ni Asec. Irene Dumlao na welcome ang mga senador o kongresista na sumama at obserbahan ang mga ikinakasa nitong payout sa AKAP program.
Dagdag pa nito, may malinaw na guidelines ang DSWD ukol sa programa na maaari ring i-access ng publiko online.
Ipinunto naman ni Asec. Dumlao na ang AKAP program ay mandato sa ilalim ng probisyon sa 2024 General Appropriations Act (GAA) na layong bigyan ng tulong pinansyal ang mga nasa “near poor” sector o mga minimum wage earners na apektado sa pagtaas ng mga bilihin.
As of July, nasa higit 700,000 na ang benepisyaryong nakinabang sa AKAP program.
Ayon kay Asec. Dumlao, madaragdagan pa ito dahil ongoing pa naman ang mga payout sa ibat ibang lalawigan sa bansa.
Nasa P26.7B ang pondong nakalaan para sa pagpapatupad nito ngayong 2024.
Ongoing naman ang deliberasyon pa sa kongreso kung magkano ang maisasama sa 2025 budget ng DSWD na nakatutok sa AKAP program. | ulat ni Merry Ann Bastasa