Pinaalalahanan ni Senadora Risa Hontiveros ang law enforcement agencies ng bansa na mabilis nang ipatupad ang total POGO ban ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ay para hindi na aniya maulit ang mga modus gaya ng pagsulpot ng iba’t ibang ‘rebranding’ ng mga POGO.
Ginawa ni Hontiveros ang pahayag na ito sa gitna patuloy na underground operations ng mga POGO at ang impormasyong magpapanggap na mga call center ang mga ito.
Ipinunto ng senadora na nagsusumikap silang dinggin ang isyung ito sa Senado para makahanap ng mabisang solusyon para tuluyan nang mapasara ang mga POGO sa Pilipinas.
Sa pamamagitan aniya ng Senate hearing ay napag-alaman nang pinapatakbo ang mga ito ng mga organisadong kriminal na grupo na may koneksyon sa ilang opisyal ng gobyerno.
Idinagdag ni Hontiveros na sinisikap nilang mapanagot ang mga taong nasa likod nito at makabuo ng batas para mapatatag ang koordinasyon sa ating mga law enforcement at regulatory agencies, katuwang ang mga lokal na pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion