Naka-alerto ang 597 tauhan ng Search, Rescue and Retrieval Teams ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para rumesponde sa anumang kaganapan sa Metro Manila na dulot ng Bagyong Enteng.
Ito ang tiniyak ni NCRPO Regional Director Police Maj. General Jose Melencio Nartatez Jr. kasabay ng pagsabi na kasalukuyang naka-deploy ang mahigit 400 pulis sa “key areas” para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng nararanasang sama ng panahon.
Kabilang dito ang 261 na pulis na itinalaga sa mga “vital installation” para bantayan ang kritikal na imprastraktura; at 173 traffic police ang dineploy para masigurong “clear” at ligtas ang mga daan sa gitna ng patuloy na pagbuhos ng ulan.
Bukod dito, sinabi ni Nartatez na 20 pulis ang itinalaga sa mga evacuation center; at aktibong nakikipag-coordinate ang PNP sa NDRRMC sa pag-monitor ng sitwasyon sa 575 evacuation center sa Metro Manila.
Pinaalahanan ni Nartatez ang publiko na manatiling “vigilant” at makinig sa mga abiso ng lokal na awtoridad para sa kanilang kaligtasan. | ulat ni Leo Sarne
📷: NCRPO