Nananatiling kanselado pa rin ang biyahe ng PNR sa rutang Lucena-Calamba-Lucena, gayundin ang mga ruta nito sa Bicol region matapos maapektuhan ang linya nito ng pananalasa ng Bagyong Kristine.
Ayon sa pamunuan ng Philippine National Railways (PNR), patuloy pa sa ngayon ang operasyon ng kanilang Engineering Team sa pag-aalis at paglilinis ng mga obstructions sa kanilang mga riles matapos ang nagdaang bagyo.
Kinakailangan ding bigyang-daan umano ang masusing pagsusuri sa mga imprastraktura ng PNR, lalo na sa mga riles, tulay, at tren.
Patuloy naman sa pagsiguro ang PNR na kanilang pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga pasahero. Kaya naman nakatuon ngayon ang kanilang mga pagsisikap upang matiyak na ang mga tren at ang mga riles ay nasa tamang kondisyon bago ipagpatuloy ang mga biyahe.| ulat ni EJ Lazaro