May pinanghahawakang matibay na ebidensya ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para madiin ang nahuling Big Boss ng Lucky South 99 na si Lyu Dong.
Ito ang iginiit ni PAOCC Spokesperson Winston John Casio kasunod ng pagkakaaresto kay Lyu Dong kagabi sa isang resort sa Biñan, Laguna.
Sa PIA Presscon, sinabi ni Casio na malaking papel ang ginampanan ni Lyu Dong sa paglawak ng POGO operations sa bansa.
Aniya, may hawak silang mga testimonial evidence na nagpapatunay na isa ito sa major pioneers at financier sa pagset-up ng POGO hindi lang sa Pampanga kundi sa Southern Metro Manila.
Ngayong naaresto na si Dong, sinabi ni Casio na ito na ang magiging pangunahing akusado sa mga kasong niluluto ng PAOCC.
Kabilang dito ang kasong qualified trafficking in person at iba pang kaso na may kaugnayan sa raid operations sa POGO sa Porac, Pampanga.
Samantala, may tatlo pang big boss ng POGO ang tinutunton ng PAOCC na nagtatago sa ibang bansa.
Ito ay sina Huang Zhiyang, at Jiang Jie na sinasabing business partner ni Alice Guo at tinuturong Whirlwind’s “big boss” na si Duanren Wu. | ulat ni Merry Ann Bastasa