Isusulong ni Senadora Loren Legarda na magkaroon ng special provision sa binubuong 2025 national budget para mapondohan ang mga bagong daan at kalsada patungo sa mga tourist destinations sa bansa.
Sa pagpapatuloy kasi ng pagdinig sa panukalang budget ng department of tourism para sa susunod na taon, napag alaman na walang nailaang pondo para sa tourist roads sa ilalim ng 2025 proposed budget ng Department of Tourism (DOT).
Nais kasi ng Department of Budget and Management (DBM) na ibigay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pondo para sa pagpapatayo ng mga kalsada patungo sa mga tourist destinations sa halip na sa DOT.
Katwiran ng DBM, ang DPWH ang may mandato nito.
Pero, ayaw namang tanggapin ng DPWH ang pondo dahil nakakain aniya nito ang ceiling nila sa pondo na kailangan nila para sa mga core infrastructure programs ng ahensya.
Binigyang diin ni Tourism Secretary Christina Frasco na hindi lang dapat ang mga national roads, kundi dapat ring pagtuunan ng pansin at pondohan ang local roads na patungo sa mga tourist destinations.
Ayon kay Frasco, mahalaga sana na magawa ang mga daan na ito para madaling mapuntahan ng mga turista at ng mga tourism workers. | ulat ni Nimfa Asuncion