Tiwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling ‘stable’ ang seguridad sa Mindanao sa kabila ng pagdukot sa American national sa Zamboanga Del Norte.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-Ala, nananatiling malaya mula sa Abu Sayyaf Group ang Basilan at Sulu kung saan hinihinalang dinala si Elliot Eastman.
Ginawa ni Dema-ala ang pahayag habang patuloy ang paghahanap sa 26 taong gulang na Amerikano.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), posibleng lokal na teroristang grupo ang nasa likod ng pagdukot, ngunit hanggang ngayon ay wala pang humihingi ng ransom mula sa asawang Pilipina ng biktima.
Nag-alok naman ang Sibuco LGU ng P50,000 na pabuya para sa sinumang makapagsasabi ng kinaroroonan sa bangkang ginamit ng mga suspek, habang nasa P100,000 na pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Eastman.
Matatandaag noong October 17 dinukot ang Amerikano sa kanyang bahay sa bayan ng Sibuco ng apat na armadong indibidwal bago siya isinakay sa bangka.| ulat ni Diane Lear