May kabuuang 4,300 agrarian reform beneficiaries mula sa lalawigan ng Quezon ang hindi na pagbabayarin ng P442 milyong utang pang-agraryo.
Kahapon, pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang pagkakaloob ng 11,497 Certificates of Condonation with Release of Mortgage sa mga ARB na sumasaklaw sa 1,872.7398 ektarya ng lupa sa Lucena City.
Sinabi ng Pangulo, sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project, layunin ng DAR na ipamahagi ang mga individual land title sa ARBs para mahati-hati ang collective Certificates of Land Ownership Award.
Pinasalamatan ng Pangulo ang World Bank dahil sa pakikipagtulungan sa DAR sa pagpapatupad ng Project SPLIT.
Namahagi din si Pangulong Marcos ng 15 electronic titles (e-titles) sa ilalim ng Project SPLIT na binubuo ng 15 ARBs mula sa Buenavista, Quezon na sumasaklaw sa 30.8064 ektarya. | ulat ni Rey Ferrer