Puspusan ang ginagawang ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan kasama ang mga Lokal na Pamahalaan sa pagtutok sa mga bagyong Ofel at Pepito.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator, USec. Ariel Nepomuceno, halos wala nang uwian at hindi na rin naghihiwalay ang mga bumubuo ng Inter-Agency Coordinating Cell sa Kampo Aguinaldo.
Paliwanag ni Nepomuceno, salig sa atas ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr, pinaigting at pinabilis pa ang ugnayan ng IACC sa mga nasa unipormadong hanay gaya ng AFP, PNP, PCG at iba pa.
.
Kaugnay nito, sinabi ni Nepomuceno na nakalatag ang kanilang contingency plan sa kanilang pagtugon sa panibagong sakuna.
Kabilang na rito ang sapat na pagkain at inuming tubig sa mga inikllikas gayundin ng hygiene kits at medical teams na ipakakalat sa sandaling kailanganin.
Sa katunayan, naghahanda na rin ang OCD sa posibleng Situational Briefing na inaasahang pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ngayong araw. | ulat ni Jaymark Dagala