Pinulong ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara ang National Management Committee (NMC) para talakayin ang mga gagawing pagtugon sa learning losses ng mga mag-aaral sa gitna nang sunod-sunod na suspensyon ng klase dahil sa mga bagyo at sama ng panahon.
Batay sa datos ng DepEd, aabot sa 35 class suspension ang naitala sa kasalukuyang school year kung saan, pinakamarami ay mula sa Cordillera Administrative Region.
Hindi naman bababa sa 29 class disruptions ang naitala sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON.
Dagdag pa ng Kagawaran, nasa 239 na mga paaralan sa buong bansa ang maituturing na “very high risk” sa learning losses dahil sa mga natural na kalamidad na nakakaapekto sa 377,729 na mga mag aaral.
Kasama naman sa ipatutupad ang Dynamic Learning Program bilang sa pagtugon sa learning losses para sa mga apektadong rehiyon gayundin ng make-up classes at catch-up sessions sa temporary learning spaces. | ulat ni Jaymark Dagala