Hindi uuwi ng kanilang bahay sa Nueva Ecija si Mary Jane Veloso sa oras na makabalik ito sa bansa bukas.
Ayon sa Bureau of Corrections, paglapag ni Veloso sa Pilipinas ay agad itong idederetso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Paliwanag ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ito ay base sa BuCor manual ng admission at confinement ng mga PDL o persons deprived of liberty.
Dagdag pa ni Catapang na limang araw na sasailalim si Veloso sa mandatory quarantine kung saan ilalagay ito sa regular na medical quarantine cell at oobserbahan para sa anumang physical o mental illness.
Sasailalim din si Veloso sa panayam ng Overseer ng CIW para makakuha ng impormasyon hinggil sa kanyang registration at ililista din nito ang pangalan ng kanyang mga kaanak at mga otorisadong bisita.
Matatandaang matapos ang labing apat na taon, bukas inaasahan makakabalik na sa bansa si Veloso mula Indonesia matapos itong mahulihan ng droga noong 2010 at masintensyahan ng parusang bitay. | ulat ni Lorenz Tanjoco