Lumagda ang Manila Electric Company (Meralco) at Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa memorandum of understanding para tuluyang masawata ang pagnanakaw ng mga kagamitan sa distribusyon ng kuryente.
Sa ilalim ng kasunduan, maglulunsad ang Meralco at PNP-CIDG ng mga hakbang para imbestigahan at kasuhan ang mga responsable sa pagnanakaw ng mga pasilidad sa distribusyon, lalo na ang mga electric meter.
Ayon sa Meralco, nagdudulot ito ng panganib sa kaligtasan ng serbisyong kuryente.
Maglulunsad din ang dalawang institusyon ng mga community roadshow sa mga barangay para ipaalam sa publiko ang mga panganib ng paggamit ng ninakaw na mga kagamitan sa distribusyon ng kuryente.
Bubuo rin ng technical working group para palawigin ang kanilang kooperasyon at regular na suriin ang mga proseso.
Batay sa datos, umabot na mahigit 2,000 metro ang naiulat na ninakaw ngayong 2024.
Ayon sa batas, maaaring makulong ng hanggang 12 taon at/o pagmultahin ng P50,000 hanggang P100,000 ang sinumang mahuli sa pagnanakaw at muling muling pagbebenta ng mga electric meter at iba pang kagamitan sa distribusyon ng kuryente. | ulat ni Diane Lear