Naglatag ng mga hakbang ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Sa ginanap na 4th quarter meeting na pinangunahan ni MMDRRMC at MMDA Chairperson Atty. Don Artes, tinalakay ang mga posibleng panganib tulad ng sunog, malakas na pag-ulan, at iba pang sakuna na maaaring mangyari ngayong holiday season.
Simula December 23, alas-8 ng umaga, hanggang January 6, 2025, alas-8 ng umaga, itataas sa Blue Alert status ang operasyon ng MMDRRMC Operations Center.
Inatasan ang mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMO) na magmo-nitor ng mga sitwasyon sa kani-kanilang lugar, habang ang mga Response Cluster Member Agencies ay naka-standby para magbigay ng agarang tulong kung kinakailangan.
Bukod dito, ay natalakay rin sa pulong ang mga paghahanda para sa Pista ng Itim na Nazareno at ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na gaganapin sa 2025. | ulat ni Diane Lear