Isinara na ngayong araw ang dating Island Cove resort na naging pinakamalaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) compound sa bansa.
Pinangunahan nina Interior Secretary Jonvic Remulla, PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz, PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco, at PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pormal na pagsasara ng naturang pasilidad sa Kawit, Cavite.
Ayon kay Secretary Remulla, wala nang kuryente at anumang palatandaan ng operasyon sa lugar mula pa noong Nobyembre.
Ang 33-ektaryang compound na may 57 gusali ay dating nagbigay trabaho sa 30,000 empleyado, kalahati sa mga ito ay mga Pilipino.
Tiniyak naman ng DOLE at DTI na magkakaroon ng job fair para sa mga nawalan ng trabahong Pilipino.
Samantala, ang mga dayuhang manggagawa ay napauwi na sa kani-kanilang bansa.
Nagbabala naman si Usec. Cruz na may mga tinatayang isandaang guerilla POGO operations pa sa bansa. Dahil dito, magkakaroon ng inspeksyon sa mga BPO facilities upang matiyak na walang mga POGO na nagtatago sa ilalim ng ganitong operasyon.| ulat ni Diane Lear