Muling iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang pangangailangan para magsagawa ng ‘Loyalty Check’ sa kanilang hanay.
Ito ang tinuran ng PNP kasunod ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr sa Kampo Crame para pangunahan ang National Peace and Order Council Meeting gayundin ang Command Conference ng PNP ngayong umaga.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, hindi nagbabago ang posisyon ng Pambansang Pulisya na gawin ang kanilang mandato at manatiling tapat sa tungkulin, sa Saligang Batas at sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.
Matagal na aniyang naka-iskedyul ang mga naturang aktibidad at wala itong kinalaman sa anumang ingay pulitika na nangyayari ngayon sa bansa.
Layon lamang nito na i-ulat ng PNP sa Pangulo ang mga naging tagumpay sa kanilang mga ikinasang operasyon sa mga nakalipas na buwan gayundin ang mga nakahanay pang plano nito sa hinaharap.
Sinabi pa ni Fajardo, magbibigay daan din ito para sa Pangulo na ilatag ang kaniyang mga direktiba sa mga kasalukuyang kampaniya ng Pamahalaan gaya ng pagsupil sa POGO, iligal na droga at krimen. | ulat ni Jaymark Dagala