Pinangunahan ni PBGen. Anthony A. Aberin, Acting Regional Director, National Capital Region Police Office, ang isang surprise random drug testing kasabay ng Guard Mounting/Reporting ng mga nagduty nitong nagdaang Bagong Taon sa Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa.
Ayon sa inilabas na pahayag ng NCRPO, ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng kanilang mga hakbang para matiyak na ang kanilang mga tauhan ay sumusunod sa highest standards of discipline at integrity.
Binibigyang diin din anila ng nasabing surprise drug test ang kampanya ng NCRPO na labanan ang illegal na droga, at tiyakin sa publiko na ang kanilang Philippine National Police ay nanatiling matatag sa pagpapanatili ng drug free workforce.
Pinaalalahanan naman ni PBGen. Aberin ang lahat sa kahalagahan ng command responsibility at mahigpit na pagpapatupad ng camp rules and regulations kung saan nagsisilbi aniya itong ehemplo sa komunidad.
Hinimok din ni Aberin ang mga tauahan nito na pangatawanan ang pagiging professional at disiplinado, sa pamamagitan ng pagtalima sa basics of police service, pagsunod sa Police Operational Procedures (POP), laging paggawa ng tama, pag-iwas sa mga illegal na aktibidad, at pagiging malapit sa Panginoong Diyos. | ulat ni Lorenz Tanjoco