Nakatutok na ang kabuuang 6,327 checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng bansa para bantayan ang pinaiiral na election gun ban, ayon yan kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Bahagi ito ng strategic measures para tiyaking magiging maayos at ligtas ang 2025 National at Local Elections sa Mayo.
Sa panayam sa kalihim sa Kapihan sa Manila, sinabi nitong mula nang ilatag ang mga checkpoint ay mayroon nang 86 na baril ang nakumpiska ng PNP.
Nasa 33 rito ang nasabat sa iba’t ibang checkpoint, 10 mula sa buy-bust operations, 39 sa police response, at 3 ang nakuha sa bisa ng aktibong search warrant.
Una nang sinabi ni DILG Sec. Remulla na mayroog 34 election hotspots ang natukoy, kung saan 27 ang mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), dalawa sa Eastern Visayas at apat na lugar sa bahagi ng Luzon.
Tiniyak naman ng kalihim sa publiko, na magdadagdag ang PNP ng mga police unit sa hotspot areas para masiguro ang kaayusan at integridad ng papalapit na 2025 midterm elections. | ulat ni Merry Ann Bastasa