Asahan na ang pag-igting ng presensya ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga karagatang sakop ng Pilipinas, bilang suporta sa mga Pilipinong mangingisda.
Pahayag ito ni National Security Council (NCS) ADG Jonathan Malaya sa gitna ng presensya ng Chinese Vessel 5901 o ang monster ship ng China sa karagatang malapit sa Zambales.
“Mayroon tayong mga ibang assets gaya ng eroplano mula sa coast guard at iba pang mga assets ng ating Northern Luzon Command, ng Area Taskforce North ng National Taskforce West Philippine Sea; at hindi po natin ito pinababayaan ‘no. Tuluy-tuloy iyong ating radio challenge at sinisiguro natin na wala itong ginagawang masama sa loob ng ating exclusive economic zone.” —Malaya.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na base sa kanilang assessment, bahagi ng intimidasyon at agresyon ng China ang panghihimasok ng kanilang monstership sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Parte ito ng intimidation, parte ito ng coercion, aggression, deception ng ginagawa ng China. Pinapakita nila na may ganitong silang barko at tinatakot iyong ating mga mangingisda na mangisda sa West Philippine Sea.” —Malaya.
Ipinakikita lamang aniya ng China na mayroon silang ganitong barko, upang matakot ang mga Pilipinong mangisda na pumalaot.
Ngayon, in response to this, pagpapaigtingin pa natin iyong presensiya ng ating BFAR at ng coast guard para suportahan itong ating mga mangingisda.” —Malaya.
Bilang tugon dito, palalakasin aniya ng BFAR at PCG ang kanilang presensya, upang ipagdiinan ang karapatan at palakasin ang morale ng mga Pilipinong mangingisda, upamg hindiaapektuhan ang kabuhayan ng mga ito.
“Maluwag naman ang karagatan, tuluy-tuloy lang po kayong mangisda at hindi po titigil ang ating pamahalaan through the coast guard and the BFAR na magbigay ng suporta sa inyo. Kumbaga, notwithstanding the presence of this CG5901 ay walang magiging epekto ito sa operasyon ng ating pamahalaan. We will continue to support all of our fishermen.” —Malaya. | ulat ni Racquel Bayan