Binibigyang babala ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa mga lumalaganap na POGO-like scam hubs sa ibang bansa na patuloy na nagrerekrut at nang-aabuso sa mga Pilipino.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, halos araw-araw silang nakakapagtala ng mga Pilipinong nahaharang sa mga paliparan matapos mahikayat ng pekeng job offers sa social media. Noong 2024, umabot sa 118 na mga Pilipino ang nahuling sangkot sa online scamming schemes.
Kamakailan, 12 Pilipino ang na-repatriate mula Myanmar matapos maloko ng mga illegal recruiters. Sa halip na lehitimong trabaho, pinilit silang magtrabaho bilang online scammers at dumanas ng pang-aabuso, mahabang oras ng trabaho nang walang sahod, at makaranas maging ng electric shocks bilang parusa.
Dahil dito, hinimok ng BI ang publiko na mag-ingat at agad i-report ang mga kahina-hinalang recruitment sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Hotline 1343. | ulat ni EJ Lazaro