Ikinagalak ni Finance Secretary Ralph Recto ang pag-unlad sa labor market ng Pilipinas ngayong 2024, kung saan bumaba sa 3.8% ang average unemployment rate—ang pinakamababa mula nang magsimulang magtala ng datos ang Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2005.
Bukod dito, patuloy ding dumarami ang dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Mas mababa ito sa itinakdang target ng gobyerno na 4.4% hanggang 4.7% sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028 at nalampasan pa ang target na 4.0% hanggang 5.0% para sa 2028.
Ayon sa datos, umabot sa 48.8 milyon ang mga Pilipinong may trabaho ngayong taon—ang pinakamataas na bilang na naitala. Bukod dito, bumaba rin ang underemployment rate sa 11.9%, ang pinakamababang antas sa kasaysayan.
Ayon kay Recto, makakaasa ang taumbayan na tuloy-tuloy ang gobyerno sa pagsulong ng mga programa na makakapagbigay ng mas maraming dekalidad na trabaho.
Dagdag pa niya, hindi lang basta paglikha ng trabaho ang layunin ng gobyerno kundi pati na rin ang pagpapabuti ng edukasyon, imprastraktura, at human development upang matiyak na ang mga Pilipino ay may sapat na kasanayan upang makipagsabayan sa global labor trends. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes