Pinapaubaya na ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Department of Justice (DOJ) at sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-aksyon sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga kasalukuyang nakaupong senador upang magkaroon ng espasyo para sa mga ineendorso niyang kandidato.
Ayon kay Pimentel, mas alam ng NBI at DOJ kung may nagawang krimen si Duterte o wala.
Kung wala naman aniyang ginawang krimen, dapat nang hayaan ang usapin.
Gayunpaman, ipinahayag ni Pimentel na maituturing na isang nakakabahalang senyales ng seryosong personality disorder ang obsesyon ng isang indibidwal sa paksa ng kamatayan at pagpatay.
Samantala, hindi naman sineseryoso ng ibang senador ang naging pahayag ng dating pangulo.
Para kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., bulaklak lang ito sa bibig ni Duterte at ganito lamang talaga ang paraan niya ng pagpapahayag.
Gayunpaman, sinabi ni Revilla na hindi siya natatakot sa ganitong mga pahayag.
Pareho namang itinuring nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na biro lang ang sinabi ni Duterte. | ulat ni Nimfa Asuncion