Personal na dinalaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac ang pamilya ni Ralph Anthony Bobiles, ang seafarer na napaulat na nawawala noon pang Disyembre 5 ng nakalipas na taon.
Doon, tiniyak ni Cacdac sa pamilya Bobiles ang tulong na ipaaabot ng Pamahalaan sa kanila habang hinahanap pa rin ang kanilang haligi ng tahanan.
Kasunod nito, sinabi ni Cacdac na sinuspinde na rin nila ang lisensya ng Manning Agency ng Deck Cadet na Parola Maritime Agency makaraang pumalya ito na i-ulat ang insidente.
Nabatid na patungong Baltimore sa Amerika ang barkong Presitige Ace buhat sa Mexico nang mangyari ang pagkawala ni Bobiles.
Subalit hanggang sa mga sandaling ito, pinagpapaliwanag pa rin ng DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) ang may-ari ng Panama-flagged na sasakyang pandagat. | ulat ni Jaymark Dagala