Tinatayang umabot sa ₱816 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Calapan Port, Oriental Mindoro sa operasyon na tugon sa kampanya kontra iligal na droga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isinagawang seaport interdiction operation, isang 43-anyos na lalaki na itinuturing na regional priority target at high-value individual ang naaresto matapos ang pinagsamang pwersa ng PDEA-Mimaropa at PCG-Calapan.

Sa pagsasagawa ng inspeksyon ng PCG K9 team, CGSS Calapan, at Bureau of Plant Quarantine sa mga cargo ng MV Santa Editha. Isang puting Toyota Camry na minamaneho ng suspek ang pinahinto at inamoy ng CG Working Dog na si Queenly, at nagpakita ng indikasyon na may shabu sa likurang bahagi ng sasakyan.
Tinangka pang tumakas ng suspek ngunit agad din itong naaresto. Muling ininspeksyon ng PDEA K9 unit ang sasakyan at nakumpirmang positibo ito sa presensya ng droga.
Kinumpirma naman sa isinagawang Raman test ng PDEA chemist na ang nakumpiska ay shabu.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng PDEA-Mimaropa ang mga ebidensiya at ilalabas sa korte para sa kaukulang proseso. | ulat ni EJ Lazaro