Hindi tatantanan ng Central Visayas Police ang kampanya kontra droga hanggang matiyak na malaya mula rito ang mga komunidad sa kanilang nasasakupan.
Ito ang iniulat ng Police Regional Office 7 (PRO 7) sa Kampo Crame matapos ang nasa 1,688 na naisagawa nilang anti-drug operations sa nakalipas na tatlong buwan o mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Police Regional Office 7 Regional Director, Police Brigadier General Redrico Maranan, nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 1,922 na drug suspect kung saan kasama ang 124 na high value individuals.
Sa naturang mga operasyon din, iniulat ni Maranan, na aabot sa halos 36 na kilo ng shabu na nagkakahalaga naman ng mahigit P244 million ang kanilang nasabat.
Bukod pa rito ang mga nakumpiska nilang marijuana na nagkakahalaga naman ng mahigit P179,000.
Itinuturing ng PRO7 na malaking bagay ang pagkakahuli ng mag suspek para sa pagbuwag ng mga drug network sa rehiyon. | ulat ni Jaymark Dagala