Tiniyak ng Malacañang na palaging nakaalalay at hindi pababayaan ng national government ang mga commuter na maaapektuhan ng tatlong araw na tigil-pasada ng transport group na MANIBELA, sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, umapela si Communications Undersecretary Claire Castro sa grupong MANIBELA na direkta nang ipaabot sa Department of Transportation (DOTr) ang kanilang mga concern, at isaalang-alang ang mga inosenteng commuters na naiipit sa gitna, tuwing nagkakaroon ng transport strike.
“Binanggit rin po ni Secretary Vince Dizon ang mga gagawin po ng pamahalaan para po hindi masyadong mahirapan ang mga commuters. May mga libre po tayong sakay na maipo-provide,” ani Usec. Castro.
Kung matatandaan, tatagal ang transport strike hanggang sa Miyerkules, upang i-protesta ang umano’y maling consolidation figures ng PUV operators, sa ilalim ng PUV Modernization Program.
“At ang hiling lamang po natin, makipag-usap muna sana ang pamunuan ng MANIBELA dahil tandaan po natin, hindi lamang po ang pamahalaan ang maaaring magkaroon ng … kumbaga, iyong impact ay hindi lamang po sa pamahalaan kung hindi mismo sa mga commuters. Alalahanin po natin, ang mga commuters ay inosente po at nalalagay lamang po sa gitna,” dagdag pa ni Castro.
Sa kasalukuyan, bagamat wala pa silang naitatalang impact sa nagpapatuloy na transport strike, siniguro ng opisyal na nakakalat na ang mga Libreng Sakay ng pamahalaan.
“Sa aking pagkakaalam, sa ngayong kasalukuyan ay hindi pa naman po apektado iyong mga commuters natin lalu’t lalo na po na talaga naman pong handa ang ating pamahalaan, ang administrasyon na tumulong sa anumang puwedeng maging inconvenience sa mga commuters,” pahayag ni Usec. Castro.
Kaugnay naman sa pahayag ni DOTr Secretary Vince Dizon na 43% pa lamang ng jeepney operators ang consolidated sa ilalim ng programa, ayon kay Usec. Castro, inaaral na ito ng pamahalaan, at sisigurihin nila na anomang solusyon ang ilalapat ng gobyerno, papabor sa commuters, jeepney drivers, at operators.
“Aaralin po natin ngayon iyan, kung 43%, at hihikayatin po natin na lahat ng maaaring mangyari ay pabor sa commuters, pabor din po sa mga jeepney operators at drivers. Lahat po ay dapat win-win solution po tayo,” paliwanag ni Castro. | ulat ni Racquel Bayan