Itinaas ng Philippine National Police (PNP) ang heightened alert status sa lahat ng unit nito bilang paghahanda sa pagsisimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato bukas.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo, inatasan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang lahat ng regional police offices na palakasin ang seguridad at mahigpit na bantayan ang kanilang mga nasasakupan.
Ipinag-utos din ng PNP na kanselahin ang leave ng mga pulis maliban na lamang kung emergency. Sinabi ni Fajardo na dapat may nakahandang 75% ng kabuuang pwersa ng PNP para sa deployment, habang ang natitirang porsyento ay standby force sakaling kailanganin ang dagdag na seguridad.
Inatasan din ni Marbil ang dagdag na deployment ng pulis sa mga lugar ng kampanya at pampublikong lugar upang agad na makaresponde sa anumang insidente.
Tiniyak ng PNP na patuloy ito sa intelligence gathering, pinalawak na police presence, at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng pinaigting na seguridad sa panahon ng halalan. | ulat ni Diane Lear