Patuloy na binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng mga barko ng China sa loob ng West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, mula March 1 hanggang March 31, umabot na sa 40 sasakyang pandagat ng China ang kanilang naobserbahan sa iba’t ibang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo.
Kabilang dito ang walong barko ng People’s Liberation Army (PLA) Navy at 14 na barko ng China Coast Guard (CCG) na namataan sa bahagi ng Bajo de Masinloc Shoal; anim na CCG vessel sa Ayungin Shoal; at pitong PLA Navy vessels at limang CCG vessels sa Sabina Shoal.
Mas mataas ito kumpara sa 19 na barko ng China na unang naitala ng Philippine Navy noong Pebrero.
Samantala, tumanggi si Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na magbigay ng espekulasyon kung bakit tumaas ang bilang ng mga barko ng China sa lugar.
Gayunpaman, tiniyak niyang magpapatuloy ang Philippine Navy sa pagtupad ng kanilang tungkulin na ipagtanggol ang karapatan at soberanya ng Pilipinas sa loob ng ating teritoryo. | ulat ni Diane Lear