Tahasang itinuro ng social media influencer na si Vicente Bencalo “Pebbles” Cunanan si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na siyang nasa likod ng pagpapakalat ng polvoron video.
Sa sinumpaang salaysay ni Cunanan at interpelasyon ni Cong. Romeo Acop, kaniyang sinabi na ginawa ang naturang video para sirain ang kredibilidad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at pabagsakin ang kaniyang administrasyon.
Aniya, nagkaroon sila ng hapunan ng mga pro-Duterte vloggers matapos ang Maisug Rally sa Hong Kong noong Hulyo 7, 2024.
Dito, naibahagi sa kanila ni Roque na mayroon umano siyang natanggap na screenshot ng video diumano ng Pangulo na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sabi pa raw ni Roque na “magaling siya magpabagsak ng gobyerno.”
“Ako ay naniniwalang si Atty. Roque ang orihinal na pinagmulan ng polvoron video at na siya ang nagpakalat nito sa publiko upang sirain ang kredibilidad ng Pangulo. Ang labis ko ding natandaan noong gabing iyon ay nang sabihin ni Atty. Roque na, ‘Magaling ako magpabagsak ng gobyerno,’” saad ni Cunanan sa kaniyang affidavit.
Nagkaroon din umano ng diskusyon kung paano ipapakalat ang naturang video, gaya ng dapat ay isang foreign vlogger ang mag-post nito upang mabilis makakuha ng atensyon.
Idinawit din ni Cunanan ang isa pang vlogger na si Maharlika na nagpadala umano sa kaniya ng dalawang bersyon ng video noong Hulyo 22, 2024.
Isang raw o malabong video at isang enhanced at manipulated na kuha upang idiin na ito ay ang Pangulo na gumagamit ng iligal na droga.
Naniniwala naman si Cunanan na manipulado o edited ang naturang video. | ulat ni Kathleen Forbes