Iginiit ni Senate Committee on Basic Education Chairperson, Senador Sherwin Gatchalian na isang malinaw na senyales ng isang krisis ang panibagong kaso ng pananaksak sa dalawang grade 8 students sa Las Piñas.
Sa ulat ng NCRPO, nasawi ang dalawang grade 8 students nang saksakin ng tatlong estudyante rin sa labas ng kanilang eskwelahan sa Las Piñas.
Ayon kay Gatchalian, nakakaalarma ang panibagong insidenteng ito ng karahasan sa mga kabataan.
Aniya, hindi na dapat hayaang mas maraming estudyante pa ang mamatay bago umaksyon.
Kaya naman kabilang sa mga tinukoy ni Gatchalian na dapat nang gawin ang ganap nang pagpapatupad ng GMRC and Values Education Act.
Dinagdag din ng senador na dapat na ring pakilusin ang mga lokal na pamahalaan para ipatupad ang Parent Effectiveness Service Program para hubugin ang mga mag aaral na maging mabuti at responsableng mga mamamayan. | ulat ni Nimfa Asuncion