Nagbigay ng public apology si Atty. Christian “Ian” Sia, na tumatakbong kongresista sa Pasig City.
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang ginawa nitong biro tungkol sa mga solo parent.
Ayon kay Sia, inaako niya ang responsibilidad sa mga nabitawan niyang salita. Aniya, humihingi siya ng tawad sa mga solo parent dahil sa labis niyang nasabi at inamin nitong mali ang napili niyang biro para magpatawa sa isang political caucus.
Dagdag pa niya, alam niya ang pinagdadaanan ng mga solo parent at hindi niya intensyon na makasakit, lalo na’t mayroon siyang solo parent na kapatid at lola.
Tiniyak ni Sia na hindi na ito mauulit at tututukan ang mga tunay na isyu ngayong eleksyon.
Nabatid na pinagpapaliwanag ng Commission on Elections si Sia dahil sa kaniyang naging biro. Samantala, nanawagan din si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga kandidato na huwag gawing biro sa pangangampanya ang mga kabilang sa vulnerable sector. | ulat ni Diane Lear